Tula: Kailan lalaya?
03-05-2011
Kailan ako lalaya sa mga gapos ng kawalan?
Kailan ako lalaya sa rehas ng kahirapan?
Kailan ako lalaya sa bakod ng karahasan?
Kailan ako lalaya sa silid ng kasinungalingan?
Kailan? Kailan?
Kailan ako lalaya sa agos ng indibidwalismo?
Kailan ako lalaya sa bakas ng kaisipang patriarchal?
Kailan ako lalaya sa hampas ng diskriminasyon?
Kailan ako lalaya sa takot sa kamatayan?
Kailan? Kailan?
Kailan ako lalaya sa brasng may-ari ng kapital?
Kailan ako lalaya sa bangin ng pananamantala?
Kailan ako lalaya sa aliping kaisipan?
Kailan ako lalaya sa pansariling mga dahilan?
Kailan? Kailan?
Kailan matapos itong kailan?
May liwanag bang masisilayan?
Ang kailan ba’y may sukdulan?
May wakas ba ang mga katanungan?
Kailan? Kailan?
Kailan ako lalaya sa pasang pagmamalabis?
Kailan ako lalaya sa kahon ng pang-aapi?
Kailan ako lalaya sa libingan ng katarungan?
Kailan ako lalaya sa sunog na konsyensya?
Kailan? Kailan?
Kailan ako lalaya sa anino ng pangungulila?
Kailan ako lalaya sa kadena ng panlilinlang?
Kailan ako lalaya sa basurang pulitika?
Kailan ako lalaya sa kanser na kurapsyon?
Kailan? Kailan?
Kailan ako lalaya sa yungib ng komersyalisasyon?
Kailan ako lalaya sa lason ng edukasyon?
Kailan ako lalaya sa mina ng kapahamakan?
Kailan ak lalaya sa tamis ng lasong kaunlaran?
Kailan? Kailan?
Kailan ako lalaya sa bangis ng militarisasyon?
Kailan ako lalaya sa trangka ng kompetisyon?
Kailan ako lalaya sa maruming laway ng pangako?
Kailan ako lalaya sa kuryente ng pangingibang bayan?
Kailan? Kailan?
Kailan ako lalaya sa balot ng maitim na budhi?
Kailan ako lalaya sa bagyo ng kontraktwalisasyon?
Kailan ako lalaya sa dikta ng merkado’t kapital?
Kailan ako lalaya sa madilim na mnoplyo sa ekonomiya?
Kailan? Kailan?
Kailan ako lalaya sa pangil ng burgisyang kultura?
Kailan ako lala sa yugo ng globalisasyong mapaniil?
Kailan ako lalaya sa bunganga ng pagka-makasarili?
Kailan ako lalaya sa tali ng pananahimik?
Kailan? Kailan?
Apoy, alab at init ng himagsik!
Tubig, buhay at agos ng pagbabago!
Lupa, kalikasan at ugat ng pakikibaka!
Hangin, ihip at hampas ng katarungan!
Kailan? Kailan?
Kuyom na kamaong nagpupumiglas!
Mga daliring sa gatilyo’y handang kumalabit!
Kaisipang handang lumaya sa kaisipang alipin!
Mga puso at damdaming nais nang umalpas!
Kailan? Kailan?
Sa panahon ng malakas na pag-agos!
Panahon ng dakilang pagkilos ng masa!
Yugto ng kahandaang suungin ang panganib ng mga hamon!
Manlaban ang uring api at magwawagi!
Kailan? Kailan?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento