TULA: Tumataas, Nagmamahal
Hindi ang oras ng pagsasama, hindi ang ating kulitan
hindi ang ating samahan, hindi ang ating lambingan
dahil di naman natin magawang gumala
tanging sa pangarap na lang muna
dahil di naman kita mailibre dahil di pa sinwerte
dahil di kita maisamang manood ng sine
dahil kahit ang huminga malapit nang may bayad
paano nga naman kaya pag-iibigan umunlad
Kung ang mabuhay ay ang mahal
ngunit ang buhay ay di nagtatagal
kahit mamili ka ng tahak na landas
kung ang mamuhay naman presyoĆ½ kay taas
nagmamahal, tumataas
itong mga presyo ng bilihin, pati na ang buwis at mga bayarin
pamasahe sa de-gulong, de-kuryente at paglipad sa hangin
tubig, kuryente, langis at bigas, hindi ang buhay na patas
hindi ang sahod at benepisyo, isinapribado ang mga serbisyo
lumaganap ang kapitalismo, lahat pinagkakakitaan ginawang negosyo
naghari kalakarang neoliberal, ipinapatupad ng mga hangal
tumataas ang presyon ng dugo, nagmamahal libingan sa sementeryo
tatamis man ang pagsuyo ngunit di pwedeng itodo
madaming ikokonsidera bago magpadala sa bugso
maitatawid kaya ng ating pagsintang kay tamis
kung sa pamumuhay ay walang kasing-taas ang pagtitiis?
nagmamahal, tumataas
di ka naman pwedeng sa trabaho regular, dahil mga kapitalista ay aangal
o mga preng at mareng, ayos lang ba ang feeling?
langoy lang nang langoy, di naman din yan mainit na apoy
kaya ang buhay na higpit-senturon ay ituloy
price surge na aagos o kaya ay malawak na kumunoy
mahal na bilihin, mataas na bayarin
tuyot na sahod, tigang na serbisyo
di pa rin ba umiinit ang ulo mo?
sige lang ng sige
hayaan na lang segurong magmahal
huwag na pansining tumaas
sa pagka-martyr mo may parangal
korona at kabaong na kay mahal
tumataas, nagmamahal
giliw, sintang mahal
aakyatin mga burol at kabundukan, tatawirin malawak na karagatan
at isang araw sa mundong ibabaw, ang ating pag-ibig mag-iilaw
ang ating sintang bayan, tataas ang kamulatan
magpapadama ng pagmamahal
humahadlang sa ating pag-irog ibubuwal
Maulan na gabi
May 2018
18:30
Somewhere
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento