MindanaOne: Strengthen Solidarity
Maliban sa Marawi City at Lanao del Sur ay may mga engkwentrong militar na rin sa ilang munisipyo ng Maguindanao province habang ganoon din ang mga rehiyong CARAGA (Agusan-Surigao), islang probinsya ng ARMM at iba pang bahagi ng Bukidnon, North Cotabato, South Cotabato, Sarangani at Davao provinces maging sa Visayas at Luzon na rin.
Sa mga kaganapang (insidenteng) ito, mga sibilyan ang labis na nahihirapan (mga bata, matatanda, may kapansanan, babae at iba pang bulnerableng mga sektor); nakakaapekto sa buhay at kabuhayan ng mga komunidad; at mas nagpapatindi pa sa mga awayan.
Bilang mga sibilyang komunidad at kilusang pangkapayapaan ay mas ipakita natin at iparamdam na ang mga kaguluhang ito ay hindi ukol sa mga relihiyon at kultura. Huwag nating hayaan na tayo ang mag-away-away dahil sa politikal at pang-ekonomiyang interes ng mga mas malakas na mga pwersa. Huwag nating hayaang maging bulag na tagasunod. Tuklasin natin at aralin nang maigi ang mga ugat-dahilan ng mga kaguluhang ito sa punto-de-vista ng karaniwang mamamayang hangad ay magkasamang mamuhay na mapayapa. Huwag nating hayaan na gamitin ang ating pagkaka-iba upang tayo ay pag-away-awayin.
Parehong sinalanta at sasalantain pa ang karaniwang Bangsamoro, Lumad at Migrante at kanilang mga komunidad ng magkabilaang kaguluhang ito.
At isa pa, pagkakataon din ito na ating ibisto at bantayan ang mga oportunistang tendensiya na nais pagkakitaan at gamitin ang kalagayan ng mga pamayanan.
Ang malaya at organisadong mamamayan at komunidad at ang maliwanag na direksyon nating tuldukan ang kaguluhan at isakatuparan ang mga pundasyon ng Buhay na may Dignidad at Makatarungang Kapayapaan ay ang ating lakas.
At higit sa lahat, ang armas at dahas na lihis ng landas ay wawasak ng buhay at bukas.
#MindanaONE: Strengthen Solidarity! Uphold Human Dignity! Build JustPeace!
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento